“Nars lang naman pala yang si Carl Balita. Anlakas naman ng loob niyang tumakbong senador?” Ito ang isa sa mga naging komento tungkol sa pagtakbo ni Dr. Carl Balita sa Senado. Pero nars nga lang ba si Carl Balita? Kahit “nars lang” siya, bawal ba siyang tumakbo? May nakasaad ba sa Konstitusyon kung anong propesyon ang dapat natapos ng isang kumakandidatong senador? Kaya ba niyang tapatan ang mga nakaupo na sa Senado?
Wala pa nga namang nars na naging senador sa bansa. Kung magkataong manalo si Carl Balita, siya palang ang unang magiging nars na senador. Ang karamihan na nanalong senador ay mga abogado. Ideal nga naman ang isang abogadong senador dahil sila ang tagagawa ng batas kaya dapat marunong ang isang mambabatas sa paglathala ng batas. Gayon pa man, walang partikular na propesyon ang nakasulat sa Konstitusyon para sa gustong tumakbong senador.
Nakasaad sa Art. VI. Sec. 3 ng 1987 Constitution na “Walang sinumang tao ang dapat maging Senador maliban kung siya ay likas na ipinanganak na mamamayan ng Pilipinas, at sa araw ng halalan, ay hindi bababa sa tatlumpu’t limang taong gulang, marunong bumasa at sumulat, isang rehistradong botante, at isang residente ng Pilipinas sa loob ng hindi bababa sa dalawang taon bago ang araw ng halalan.” May nasabi bang bawal ang nars na tumakbong senador? May nasabi bang malakas ang loob ng nars kung tatakbo siyang senador kaya wag nalang nitong tangkain? Walang nasabi. Medyo nakukulangan lang talaga ang iba sa kakayanan ng isang “nars lang” na maging senador. Pero alam ba natin kung ano ang kayang gawin ng isang tao, nars man siya o hindi?
Ang maganda rito, hindi lang nars si Dr. Carl Balita. Tatawagin mo ba siyang “Doktor” kung “nars lang” siya? Maliban sa natapos niyang BS Nursing at MA Nursing, rehistrado rin siyang midwife, may diploma sa Entrepreneurship, nakapagtapos ng Doctor of Education, pinarangalan ng Doctor of Humanities, at nakakuha ng Executive Program in International Management sa Stanford University sa Singapore. Nagdududa ka pa rin ba sa kanyang kayang gawin bilang senador? Ipagpatuloy mong basahin ang blog nato.
Mas nakilala is Dr. Balita dahil sa CBRC o Carl Balita Review Center na nag-aalok ng programa para sa Licensure Examination for Teachers (LET), College Admission Test (CAT), Criminology Licensure Exam (CRIM), Nursing Licensure Exam (NLE), National Medical Admission Test (NMAT), at iba pa. Makikita sa buong bansa at maging sa ibang bansa ang kanyang mga review center. Kilala rin si Dr. Balita bilang isang brodkaster, film producer, and book author. At oo, mahusay din siyang kumanta.
Ano kaya mo pa bang basahin ang tungkol sa “nars lang” na malakas ang loob tumakbong senador? Sige, huminga ka muna ng malalim. Hinga. Inhale. Exhale. Do it three times.
Ano, tuloy na natin?
Noong Marso 6, apat na araw na ang nakakalipas, bumisita si Dr. Balita rito sa Cebu City. Nagkaroon siya ng meet and greet sa mga kasalukuyang nagre-review sa CBRC Cebu Branch para sa LET at CRIM. Humarap din siya sa mga presscon at interview (isa ako ron).
Pagkatapos niyang magsimba sa araw ding iyon, nakipagpulong siya sa mga dean, president, teacher, nurse, at criminologist ng mga eskwelahan para ilahad ang kanyang plano at plataporma bilang susunod na senador ng bansa. Sa sumunod na araw ay nagbigay din siya ng courtesy call sa mga lokal na politiko rito sa Cebu.
Inilahad ni Dr. Balita ang dahilan kung bakit siya tumakbong senador at kung ano ang kanyang magagawa. Tatlong bagay ang kanyang tututukan: Kalusugan, Kabuhayan, at Karunungan. Kalusugan dahil nasa panahon tayo ngayon ng pandemya at gusto niyang makatulong bilang isang health professional. Kabuhayan dahil isa rin siyang entrepreneur at tagapayo tungkol sa pagnenegosyo. Karunungan dahil isa rin siyang mahusay na guro at tumutulong sa mga kumukuha ng pagsusulit sa LET, NLE, CRIM, at iba pa.
Patuloy na iniikot ni Dr. Balita ang iba’t-ibang bahagi ng bansa kasama ng kanyang kapartido sa Aksyon Demokratiko na sina Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso (President), Doc Willie Ong (Vice President), Samira Gutoc (Senator), at Jopet Sison (Senator). Nakakasama rin nila ang dating kalihim ng Department of Agrarian Reform na si Bro. John Castriciones na tumatakbo rin bilang senador.
Kamakailan ay nag-trending si Dr. Balita dahil sa kanyang naging sagot sa debate sa kung ano ang deskripsyon ng isang senador. Ayon sa kanya, “Ang senador ay dapat maging mabuting halimbawa sa sambayanang Pilipino sa pagmamahal sa Pilipinas.”
Kung ganon din naman pala, makikita naman natin na isa si Dr. Carl Balita sa mabuting halimbawa sa sambayanang Pilipino kahit “nars lang” siya. Subalit, inilahad din natin na malawak ang kanyang pinag-aralan at karanasan. Ibig sabihin baga’y hindi lang siya naglalakas ng loob na tumakbong senador dahil kayang-kaya niyang tapatan at higitan pa ang mga nakaupo na at makakasama pa niyang uupo sa Senado.
Follow JP Abecilla – The Millennial Writer on Facebook, Twitter, and Instagram for more updates.
Comments are closed.