Kakayanin kaya ni Doc Willie Ong ang mga suliraning kinakaharap ng Department of Health (DOH) kung sakaling siya ang maging kalihim ng sangay nato ng gobyerno? Pang-YouTube lang ba ang dating pangunahing tagapayo sa Salamat Dok ng ABS-CBN? Nangi-scam nga ba siya gamit ang mga pekeng Facebook ads? Magpatuloy sa pagbabasa para sa mga kasagutan.
Doc Willie Ong bilang DOH Secretary? Kaya ba niya ang trabaho? Di ba doktor kwak-kwak yan? Mula sa isyu ng Dengvaxia, kurapsyon, at kakulangan ng tugon sa pandemya, kaya nga ba ni Dr. Ong ang mga mabigat na pasaning ito ng DOH maliban sa panghahamak sa kanya? Suicidal kaya kung sasaluhin ang mga problemang ito ng isang walang-bahid sa kurapsyon at mabuting lingkod-bayan gaya niya?
Bago pa man matapos ang isang taon na pagbabawal sa mga kanidato noong Halalan 2022 na maging myembro ng gabinete, nakakaharap na ngayon ng mga paninirang-puri si Doc Willie. Pinagbibintangan ang butihing doktor na nagpapakalat di umano siya ng pekeng Facebook ads tungkol sa “miracle mixed nuts” kung saan nakasama rin si Kris Aquino. Nagkataon lang kaya ang mga bagay-bagay nato? Taglay nga ba ni Dr. Ong ang kakayanan at pagtitiwalang nararapat para sa isang kalihim ng DOH?
Laban Ito ng Lahat, Hindi Lang ng Iisa.
Ang mga problemang kinakaharap ng DOH ay hindi laban ng iisang tao o grupo lamang. Ang kasalukuyang krisis sa kalusugan, gaya ng pandemya at malnutrisyon, ay pandaigdigang suliranin.
Siguradong hindi kakayanin ni Doc Willie kung siya lang mag-isa. Pero hindi siya nag-iisa, may katuwang siyang doktor din na maybahay na si Doc Liza Ramoso-Ong. Kasama na rin dito ang milyun-milyong mga sumusuporta sa kanila, hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa abroad din. Siguradong tutulungan din siya ng mga nakasama niyang tumakbo sa eleksyon noong nakaraang isang taon at ang Aksyon Demokratiko kung saan siya kabilang na partido ngayon.
Kailangang Ibalik ang Tiwala ng Mamamayan.
Maaaring alam naman ng lahat na hindi lang dapat gobyerno ang humaharap sa sakuna sa kalusugan, gaya nga ng pandemya na dulot ng COVID-19. Kaya lang, nabahiran ng dungis ang Departamento ng Pangkalusugan dahil sa mga alegasyon ng kurapsyon. Dahil dito, kailangan natin ng taong may malinis na rekord at kilala sa pagiging mapagbigay.
Ayon sa dating kalihim na humawak sa DOH, “warak” at “bugbog” nang maigi ang departamento. Hindi ito mangyayari kung malaki ang tiwala ng mga tao sa nakaupo. May pagkakataong maibalik ang tiwala ng mamamayan sa ahensya kung kagaya ni Doc Willie ang hahawak nito. Dinadawit man siya ngayon ng grupo ni Kris Aquino sa isyu ng pangi-scam, wala namang patunay na pag-aari ni Dr. Ong ang mga pekeng Facebook ads na ipinaparatang sa kanya. Bagkos, maibibilang din sina Doc Willie at Doc Liza sa mga biktima gaya ng iba pang artista at influencer.
Sa kabila ng mga paratang at kontrobersiya, nananatili pa ring matatag ang tiwala ng mga tao kay Doc Willie. Mapapanood sa baba ang naging sagot niya sa pagdawit sa kanya sa mga nangi-scam. Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit labimpitong milyon (17M) ang follower ni Doc Willie Ong sa kanyang Facebook Page.
Nangangailangan Ito ng Galing, Husay, at Talino.
Maliban sa katotohanang hindi laban ng iisang tao o grupo ang paglilingkod sa bayan at sa pangangailangang maibalik ang tiwala sa DOH, kailangan natin ng mahusay sa pamamahala, lalo na tungkol sa isyu ng pampublikong kalusugan.
Si Doc Willie ay nakapagtapos ng medikal digri sa De La Salle Cavite. Nagpakadalubhasa rin siya sa kardyolohiya mula sa Unibersidad ng Pilipinas at tinutukan niya ang internal medicine sa Manila Doctors Hospital. At higit sa lahat, naging konsultant din ang butihing doktor sa mismong departamento (DOH) sa loob ng apat na taon. Malawak na din ang kanyang naging karanasan sa public health bilang lingkod bayan sa loob ng mahigit dalawampu’t walong (28) taon.
Noong nakaraang halalan, si Doc Willie Ong din ang napili ng Aksyon Demokratiko bilang Bise Presidente ni Dating Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, ang pambato sa Pagkapangulo ng nasabing partido. Kasama rin sa kanilang hanay ang tatlo nilang senador na sina Dr. Carl Balita, Samira Gutoc, at Atty. Jopet Sison. Naniniwala ako, kung nakitaan ng Aksyon si Doc Willie ng kakayanan bilang pangalawang pangulo ng bansa, ibig sabihin mas kakayanin nitong maging kalihim ng Departamento ng Pangkalusugan.
Ito Ay Hamon Para sa Malakas ang Loob.
Mabigat ang problema at malakas ang kalaban pagdating sa public health. Gayon pa man, kung may tiwala ang mga tao sa namamahala at alam nilang may kakayanan ito, siguradong ibibigay ng mamamayan ang karampatan nilang magagawa para sa laban na ito.
Alam kong gusto rin ni Doc Willie na humarap sa mga hamon sa buhay, lalo na kung ito ay para sa kapakanan ng nakararami. Dati nang dumaan sa depresyon ang #DoktorNgBayan at nakayanan niyang bumangon mula rito. Hindi man kasing tindi ng depresyon ang bigat ng pasanin sa DOH, alam naman ni Doc Willie na mas malakas ang Diyos na kanyang pinagkatiwalaan para maging matagumpay sa buhay.
Alam kong si Doc Willie ay mapagkakatiwalaan, mahusay sa usaping pangkalusugan, at higit sa lahat, malakas ang loob na harapin ang mga hamon sa buhay.
Malugod kong ini-endorso si Doc Willie Ong bilang DOH Secretary at maging isa sa pagpipilian ng Committee on Appointment sa kasalukuyang administrasyon.
Follow JP Abecilla – The Millennial Writer on Facebook, Twitter, and Instagram for more updates.